Success!

PANGARAP NA BINUHAY NG PATAY

By The University Of Scribe • Jul 30, 2026 at 4:13 AM • 3 min read • 3 min read

Jul 30, 2026 at 4:13 AM 3 min read
Share
Continue reading
PANGARAP NA BINUHAY NG PATAY
Photo by: Karol Ken Jairo A. Cachero
Editor's Note: Ikalawang taon pa lamang sa kursong BS Information Technology si John Lloyd Bayaca nang isulat ang artikulong ito. Siya ay nasa ikatlong taon na ngayon sa Urdaneta City University.

Madilim ang paligid at tahimik ang gabi. Humahalimuyak ang tapang ng kemikal, humahalo sa pagod na katawan. Sa gitna ng katahimikan, pilit niyang itinataguyod ang pag-aaral—hindi sa pamamagitan ng buhay, kundi sa tulong ng mga patay.

Estudyante sa umaga, embalsamador sa gabi—ganito tumakbo ang buhay ni John Lloyd Bayaca, 20, second year Bachelor of Science in Information Technology (BSIT) student ng Urdaneta City University (UCU), sa loob ng halos dalawang taon.

Bago pa man siya makapasok sa kolehiyo, malinaw na sa kaniya: hindi kakayanin ng pamilya ang matrikula. Panganay siya sa apat na magkakapatid, pasan ang responsibilidad sa pamilyang halos sapat lamang ang kita—ina niyang tindera ng gulay, ama niyang karpintero. Dahil dito, napilitan siyang ipagpaliban ang pag-aaral.

Dapat first year college student na siya nang ialok sa kaniya ang trabaho bilang funeral service boy. Tinanggap niya ito nang walang pag-aalinlangan. Para kay John Lloyd, walang oras na dapat sayangin kapag gutom ang sikmura.

Sino ang mag-aakalang ang trabahong nagpanginig sa kaniyang kalamnan ang siya ring maglalagay ng laman sa kumakalam na tiyan? Sa una, limang daang piso kada linggo ang kapalit ng tinatawag nilang “pick up and deliver.” Para sa marami, napakababa nito. Para sa kaniya, isa itong reyalidad na kailangang yakapin para may maihain sa hapag.

Saklaw ng halagang iyon ang pagkuha ng katawan at paghatid nito sa pamilyang nagluluksa—isang gawaing noong una’y nakapanghihina, nakanginginig, at nakatatakot. Ngunit isinantabi niya ang takot; mas matindi ang pangangailangan.

Bunga ng kasipagan at pagiging maaasahan, dumami ang ipinagkatiwala sa kaniya. Ang dating Php500 kada linggo ay umaabot na sa Php1,000, depende sa dami ng yumao na nangangailangan ng serbisyo. Sa ganitong hanapbuhay, walang tiyak na presyo ang sweldo; nakadepende ang kabuhayan sa pagpanaw ng iba.

Nililinis, pinapaliguan, ini-eembalsamo, at pinapaganda ang mga labi—isang prosesong unti-unting nagiging tulay sa kinabukasan niyang pilit binubuo. Sa bawat apat na oras na pag-aalis ng dugo, may mga tanong na paulit-ulit na bumabagabag sa kaniya: Hanggang dito na lang ba ako? Bakit kailangan kong umasa sa patay para mabuhay?

Doon niya unti-unting napagtanto ang isang bagay na hindi itinuturo sa silid-aralan: panandalian ang buhay. Kung anumang oras ay maaaring magwakas ang lahat, bakit hindi pa simulan ang mga pangarap?

Hindi na bago ang mga kuwentong kababalaghan sa lamayan. Ngunit para sa taong nagbibigay-serbisyo sa patay, wala nang mas nakatatakot pa kaysa multo ng naudlot na pangarap—ang multo ng sariling buhay na unti-unting nauubos sa pag-aantay.

Matapos ang isang taon ng pagtatrabaho, pinili niyang buhayin muli ang pangarap na makapagtapos. Sa suporta ng kaniyang amo, pinagsabay niya ang pag-aaral at trabaho—isang buhay na hinuhubog ng dalawang magkasalungat na mundo.

Iisa ang kahihinatnan ng lahat: kamatayan. Ngunit para sa kabataang napilitang magserbisyo sa mga yumao, mas nakapanghihilakbot ang posibilidad na hindi matupad ang pangarap habang nabubuhay.

Sapagkat hindi sapat ang basta huminga para masabing buhay ka. Ang tunay na buhay ay ang patuloy na mangarap—bago pa man ito wakasan ng oras.

Pribilehiyo ang mag-aral nang walang iniintinding iba. Habang ang iba ay papel, bolpen, at kompyuter ang hawak, malamig na katawan ang kaniyang hinahawakan upang manatiling buhay ang pangarap.

Para kay John Lloyd Bayaca, ang kamatayan ay hindi wakas kundi simula—simula ng pangarap na binuhay ng mga patay.#

Ulat ni Ashley R. Donceras

#TheUniversityScribe
#21YearsOfImmutablePassion
#InscribingPerspectives
Join the discussion
Log in to comment and interact with other readers.
Comments (0)

No comments yet. Be the first to share your thoughts!

More in Feature

Continue exploring Feature content

View All
Susing Pamana sa Likod ng Bawat Pinto

Susing Pamana sa Likod ng Bawat Pinto

Jul 02, 2026 • 3 min read • 4 views

Susing Pamana sa Likod ng Bawat Pinto

Sa bawat pintuang nabubuksan, may isang taong madalas hindi napapansin—ngunit malaki ang ambag sa seguridad at tiwala sa komunidad: ang gumagawa mismo...

Jul 02, 2026 • 3 min read • 4 views
SDG 11
Series 4: Ningning kahit sa Dilim

Series 4: Ningning kahit sa Dilim

Jun 30, 2026 • 1 min read • 3 views

Series 4: Ningning kahit sa Dilim

Kahit takpan ng ulap ang tanging sinag,Patuloy na sisiklab, hindi matitinag.Sa bawat unos na pilit bumubura,Magliliwanag, mas titindig pa.Hindi na kam...

Jun 30, 2026 • 1 min read • 3 views
Series 3: Walang Takip, Walang Takot

Series 3: Walang Takip, Walang Takot

Jun 30, 2026 • 1 min read • 0 views

Series 3: Walang Takip, Walang Takot

Hubarin ang talukbong sa matang may pangamba,  Buksan ang tanaw, hayaang makita.  Hindi ito aninong sa dilim nagtatago,  Ito’y liwanag na sa umaga’y n...

Jun 30, 2026 • 1 min read • 0 views